Ang Librong ABNKKBSNPLAKo?! ni Bob Ong: Isang Suring-Aklat na inilathala ni Maxine Rowie C. Galeon

                                

                                

                                                            Sta. Lucia High School

# 30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City

 

 

 

ABNKKBSNPLAKo?!

 

ni Bob Ong

Visual Print Enterprises Publishing, 2001

 

 

 

Isang Suring-Aklat(Book-Review) na iniharap

Kay G. Danilo P. Agpaoa, LTP

Bilang isa sa mga Pangangailangan sa Kursong

Pagbasa at Pagsusuri ng iba’t ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik

 

 

 

 

Ipinasa ni:

Maxine Rowie C. Galeon

G11 – H.E 3

 

Enero, 2025





I. PANIMULA
A. Pamagat 

    Ang pamagat na "ABNKKBSNPLAko?!" ay tunay na nakamamangha, nakakalito, at mahirap bigkasin para sa ibang tao sapagkat kulang-kulang ito ng mga letra. Bakit kaya hindi na lang binuo ng may-akda ang pamagat na "Aba, nakakabasa na pala ako?!"?Subalit, sa pamagat pa lamang ay mapapaisip ka na kaagad kung ano ang ibig sabihin nito. 

   Sa kabilang banda, tunay nga na nakakatawa at nakakaantig ding basahin at bigkasin ang pamagat. Marahil ito ay inilalarawan at nais ipahiwatig kung paano gamitin ng mga kabataan ang wika o ang mga taong nagsisimula pa lamang matutong bumasa. Naaayon ito sa karanasan ng karamihan sa mga Pilipino noong sila ay bata pa lamang. 

    Karagdagan dito, nais ding ipakita ang simpleng pagkatuwa at gulat ng isang tao sa kanilang pagkatuto sa malikhaing paraan. Dahil sa paggamit ng kulang-kulang na letra, dinadala rin nito ang "casual" na tono at higit na nakakaantig sa mga mambabasa. Ang kulang-kulang na letra ay nakakatulong din upang mag-isip ang isang tao nang mas malalim upang mas maintindihan at mabuo ang ibig sabihin nito.


B. Uri ng Panitikan at Genre 

    Ang "ABNKKBSNPLAko?!" na libro ni Bob Ong ay isang naratibong estilong paglalahad na may halong katatawanan at autobiograpiya ng may-akda. Ang nilalaman ng libro ay nagsimula sa pagkakasalaysay ni Bob Ong mula sa kaniyang pagkabata hanggang sa kaniyang pagtanda. Isinasalaysay dito ang mga pangyayari at karanasan sa buhay ng pangunahing tauhan na si Roberto (Bob Ong). Bukod dito, gumamit din ang may-akda ng kaniyang personal na kuwento at pananaw upang ilarawan ang iba't ibang aspekto ng buhay-paaralan at mga karanasan ng karamihan sa mga Pilipino. Sa libro, makikita rin ang pagkakasunod-sunod at pagkakakonekta ng mga pangyayari sa buhay ng tauhan, at gumagamit din ito ng mga detalye at paglalarawan upang mapabuhay ang mga pangyayari at karanasang nasasalamin ng karamihan sa mga Pilipino. 


C. Pagkilala sa May-akda 

    Si Bob Ong ay isang Pilipinong manunulat, siya ay nakapaglabas na ng ilang libro. Siya'y ipinanganak sa lungsod ng Quezon dalawampu't isang dekada at tatlumpu't isang linggo matapos ang Palaris Revolt. Siya'y naging student #3910256, teacher, writer, web developer, at jay walker bago naging webmaster ng bobongpinay. com. Siya ay kilala rin sa paggamit ng impormal na Filipino sa paggawa ng nakakatawa at sumasalamin sa Duhay ng mga Pilipino. Sinimulan niya ang pagpapasaya at pagpapamangha sa mga Pilipino gamit ang naturang Katha.

     Ang Bobong Pinoy na websayt na kaniya ring inilikha at kaniya ring inaatupag sa mga libre niyang oras. Dagdag pa rito, nabuo ang kaniyang sagisag panulat nang mayroong isang taong nakipag-ugnayan sa kaniya sa pag-aakalang siya ay tunay na taong nagngangalang Bob Ong. Ang websayt ay nakatanggap ng People's Choice Philippine Web Award for Weird Humor noong 1948. Ngunit ito ay isinara matapos ang Second People Power Revolution.



II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN
A. TEMA/PAKSA 

    Ang tema o paksa ng "ABNKKBSNPLAKo?!" na librong inilikha ni Bob ay umiikot sa edukasyon at mga karanasan na nagaganap sa paaralan. Isinasalaysay dito ang mga masasaya at masasakit na mga pangyayari at alaala ng pagiging mag-aaral. Sa bawat kabanata, makikita ang iba't ibang sitwasyon na kakikitaan ng pagkatuto, pakikibaka, at tagumpay ng pangunahing tauhan na si Roberto. Ang edukasyon naman ang ipinapakita sapagkat mahalaga itong bahagi sa buhay na humuhubog sa pag-unlad ng bawat indibidwal, at maging ang bansa. 

  Sa kabilang banda, ipinapakita rin sa libro ang kahalagahan ng pagkatuto at pagbabasa tungo sa edukasyon. Ipinapakita rin ng may-akda na ang pag-aaral at pagbabasa ay nagbibigay din ng pagkakataon para sa pag-unlad, at pag-angat sa buhay ng bawat indibidwal. Kung kaya't nagsisilbi rin itong paalala na ang edukasyon ay isang makapangyarihang kasangkapan sa ating buhay sapagkat nagbibigay-daan ito sa atin ng mas maliwanag na kinabukasan. 

   Bukod naman sa edukasyon, inilalarawan din sa libro ang tema ng pagbalik-tanaw sa simpleng buhay ng kabataan. Isinasalaysay din ng may-akda ang kaniyang mga naging karanasan sa loob ng paaralan sa isang nakakatang paraan na kung saan nagbibigay-daan ito sa mga mambabasa na magbalik-tanaw din sa kanilang mga alaala. Makikita rin sa libro na nagpapakita rin ito ng tunay na kalagayan ng mga mag-aaral at ang kanilang mga nais tahakin na pangarap. 

    Sa bandang huli, marami ring pinapakita sa libro ang masasalamin na kultura sa Pilipinas. Sumasalamin din ang libro sa mga personal na pakikibaka at tagumpay ng may-akda. Mula sa mga simpleng pagkakamali hanggang sa mga mahahalagang aral sa buhay ay ipinapakita rin ng may-akda ang mga hamon na hinaharap ng bawat indibidwal tungo sa pagkatuto, at pag-unlad. At saka, nagbibigay din ng inspirasyon at motibasyon ang libro sa mga mambabasa na magpursigi sa kanilang mga pangarap at pag-aaral sa kabila ng mga hamon sa buhay upang maging matagumpay. 


B. MGA TAUHAN, TAGPUAN AT PANAHON
MGA TAUHAN 

a. Roberto (Bob Ong - May-akda) - Ang pangunahing tauhan sa kuwento. Siya ay naging teacher's pet at teacher's enemy. Siya rin ang may-akda ng libro at tagapagsalaysay ng kuwento. Kinukwento niya ang mga naging karanasan niya mula noong kaniyang pagkabata hanggang sa pagtanda. 

b. Ms. Uyehara - Ang guro ni Roberto noong siya ay Grade 2, Section 1 pa lamang. Siya ay isang matanda, maliit, may salamin, at dalaga. Siya rin ang namamalo kay Roberto ngunit hindi malaman kung ano nga ba talaga ang dahilan. 

c. Ulo - Siya ay isa sa matalik na kaibigan ni Roberto. Sila ni Roberto ay magkasundo lagi sa kalokohan noong sila ay mag-aaral pa lamang. Si Ulo ay isa rin sa mga nagbigay ng kulay sa buhay ni Roberto, at nagpakita rin ng tunay na pagkakaibigan sa loob ng kuwento. 

d. Tigang - Ang naging guro ni Roberto noong Highschool. Siya ay isa sa magaling magturo. Siya rin ay isang matandang dalaga at kilala sa pagiging terror.


MGA TAGPUAN 

a. Pampublikong Paaralan - Dito naranasan ni Roberto ang iba't ibang pangyayari. Dito maraming natutuhan si Roberto, kabilang na rito ang mga kalokohan at kaniyang pagkatuto kasama ang kaniyang mga matalik na kaibigan at guro. Sa kabila niyan, isa ring naging Guro si Roberto. 

b. Bahay - Makikita rin dito kung ano ang kaniyang buhay sa labas ng paaralan. Dito rin naganap ang oras noong nagkaroon ng away ang kaniyang pamilya. 

c. "Ganges River" - Ito ang dinaanan nila Roberto noong sila ay pauwi ng kaniyang pinsan dahil sa ulan. Ito ay isang maputik at mayroong mababaw na baha na daanan. 


PANAHON 

a. Ika-unang araw ni Roberto sa Klase (Unang baitang) - Ito ang unang araw sa pagpasok ni Roberto sa klase. Na kung saan ikinukwento niya rin na lahat ng gamit ay masayang gamitin kapag bago ngunit siya ay bunsong kapatid kung kaya't pamana na lamang halos ang iba niyang gamit galing sa kaniyang panganay na kapatid. 

b. Recognition Day - Ito ang araw na kung saan hindi nakapunta ang nanay ni Roberto. Kaya nanay ng kaklase nalang ang nagsabi ng ribbon sa kaniya. At saka, dito rin nalungkot si Roberto sapagkat walang kamag-anak o kaibigan man lang ang dumalo sa araw ng kanilang "Recognition Day". 

c. Ika walo ng Hulyo - Ang pagpunta nila Roberto at Ulo sa Department Store - Dito naganap ang pagkasira ng laruang truck sa kanilang likuran dahil ito'y bumagsak. Pagkatapos nyan ay nilapitan sila kaagad ng saleslady at dinala sa Manager. Sunod, ipinaiwan ng Manager ang kanilang school bags para lumabas ng mall at para puntahan ang kanilang Adviser. At sa huli, ipinagtanggol sila ng Adviser nila sa manager. 

d. High School - Isinasalaysay ng may-akda ang kaniyang mga alaala sa high school, kung saan higit pa niyang naipapakita ang kaniyang mga karanasan at pakikipagsapalaran sa kaniyang mga kaibigan at guro. 

e. Tagumpay pagkatapos ng summer class - Naging magandang karanasan ang summer class na sinalihan ni Roberto sapagkat bumalik ang lakas at interes niya sa pag-aaral.


C. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG MAY-AKDA 

    Ang estilo ng pagkakasulat ng librong "ABNKKBSNPLAKo?!" ng may-akda na si Bob Ong ay malinaw na naiintindihan, maayos, at may halong katatawanan. Bukod pa r'yan, ang kaniyang pagsusulat ay puno ng pagmumuni-muni at makatotohanan na mga pangyayari. Na kung saan gumamit ng personal na karanasan sa pagkukwento ang may-akda upang higit na maipakita ang iba't ibang aspekto ng buhay-paaralan at edukasyon. Kung kaya't nagbibigay-diin din ito sa mga simpleng kasiyahan at kahalagahan ng pagkatuto.



III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN
A. KAKINTALAN / KAISIPAN 

    Ang "ABNKKBSNPLAKo?!" ni Bob Ong ay nagpapakita ng mahahalagang kaisipan na nagbibigay-daan na makapagbalik-tanaw at mapagnilayan ang ating sariling mga karanasan. Para sa akin, isa sa mahalagang kaisipan ay ang kahalagahan ng edukasyon at ang impluwensiya nito sa buhay. Ipinapakita rin ng may-akda na ang pag-aaral ay hindi lamang tungkol sa mga aralin sa loob ng paaralan kundi pati na rin sa mga aral na natututuhan sa labas. 

      Bukod pa r'yan, isa rin sa mahalagang kaisipan para sa akin na matutuhan sa libro ay ang kahalagahan ng pagkatuto mula sa ating mga karanasan. Sa kabila nyan, ang personal na karanasan ng may-akda ay nagpapakita ng iba't ibang hamon at pagsubok na kaniyang kailangang harapin noong siya ay mag-aaral pa lamang hanggang sa kaniyang pagtanda. Ngunit ito'y nagbigay ng daan sa kaniya upang siya ay matuto, umunlad at maging matagumpay.
 

      Sa kabila ng lahat, ang libro ay nagbibigay din ng kahalagahan sa pagkakaroon ng malalim na pagkakaibigan at relasyon. Makikita rin sa libro na ang mga matalik na kaibigan ng pangunahing tauhan at guro ay sumasalamin din sa tunay na buhay ng isang mag-aaral. Na kung saan ang relasyon nila ay nagbibigay suporta, kaligayahan, at mga mahahalagahang aral na matutuhan mula sa isa't isa. Ang pagkakaroon din ng mga tunay na kaibigan ay isa rin sa magiging gabay tungo sa pag-unlad. 

    At panghuli, ang libro ay puno rin ng halu-halong damdamin. Ipinapakita rin ng may-akda ang kaniyang mga alaala noong sa panahon ng kaniyang kabataan, ang mga simpleng kasiyahan at kalungkutan na kaniya ring naranasan. At saka, ipinapakita rin ng may-akda ang kahalagahan ng pagiging totoo sa ating mga sarili, pagtanggap sa ating mga pagkakasala, at patuloy na pagsisikap na maging mas mabuting tao.


B. KULTURANG MASASALAMIN 

a. Clowns - Sumasalamin ang mga taong may mababaw na kaligayahan/pagiging clown sa "value" ng mga Pilipino na "Joy at Humor". Ang pagiging masayahin ay isa sa mga katangiang mayroon ang isang Pilipino. Ang pagiging isang Pinoy ay nangunguhulugang kayang malagpasan ang iba't-ibang hamon ng buhay gamit ang maskarang kadalasang ginagamit ang pagiging isang masayahin at mapagbirong indibiduwal. 

b. Pagkakaibigan - Sa libro, ipinapakita rin ang malalim na kahalagahan ng pagkakaibigan na kung saan inilalarawan ang tunay na samahan. Sila rin ang nagbibigay ng emosyonal na suporta sa atin sa mga oras ng kaligayahan at kalungkutan. Sila rin ang mga taong pwede nating sandalan at pagkatiwalaan sa mga mahahalagang pangyayari sa ating buhay. 

c. Pagbili ng kung anu-ano pagtapos ng araw ng klase - Isa rin ito sa mga naging mahalagang kultura para sa mga Pilipino. Dahil mayroon kaagad makikitang mga nagbebenta ng mga pagkain, laruan, at iba pang gimik na naka-tiangge sa tabi-tabi na agad-agad tinatakbuhan at dinadagsa ng mga mag-aaral kapag uwian galing paaralan. 

d. Teacher's pet - Sa loob ng paaralan, hinding-hindi ito mawawala. Kapag mayroon kaagad inuutos ang isang guro, pinag-aagawan kaagad ito ng mga estudyante sapagkat mayroon itong suhol na kung saan mayroon kang matatanggap na pagkain kapag ikaw ang gumawa ng utos ng guro. 

e. Surprise guest's - Sa loob ng paaralan, mayroong biglaang bibisita sa bawat silid-aralan upang magbenta ng kung anu-ano. Katulad ng mga ballpen, mga maninipis na libro ng Philippine history, legends, fables, fairy tales, at marami pang iba. Dahil sa kanila, nakakain ang oras ng pagtuturo ng guro, kaya puno rin ng tuwa ang mga mag-aaral.



IV. LAGOM 

    Sa librong "ABNKKBSNPLAKo?!", si Roberto (pangunahing tauhan) ay isang mag-aaral na kalaunan ay naging guro. Simple lang ang kaniyang buhay at mayroong maraming pangarap sa buhay. Noong siya ay nasa elementarya, siya'y dumaan sa masaya at malungkot na karanasan. Siya ay mayroong isang mahigpit na guro na si Ms. Uyehara na nakakatakot at siya'y basta- basta na lamang napapalo na hindi man lang malaman ang rason. May isa rin siyang kaibigan na nagngangalang Ulo na laging katuwang niya sa kalokohan, kahit na sila ay napapagalitan. 

    Noong siya ay tumuntong sa High School, nagsimulang maging mahirap ang mga bagay para sa kaniya. Kailangan niyang tapusin ang maraming takdang-aralin at nakilala ang iba't ibang uri ng mga mag-aaral. Madalas din niyang makita ang kaniyang sarili na gumagawa ng mga proyekto tuwing recess o nagmamadaling tapusin ang mga takdang-aralin. Sa paglipas ng panahon, nawalan siya ng interes sa kaniyang pag-aaral dahil sa hamon ng kaniyang buhay. Ngunit nang makalipas ang mga araw ay bumalik na ulit ang kaniyang interes sa pag-aaral. 

     Noong siya ay tumuntong sa kolehiyo, mas lalong siyang nahirapan sa kaniyang mga hamon sa buhay. Malayo rin ang paaralan niya kaya madalas din siyang nahuhuli sa klase. Sinubukan din niyang lumipat sa ibang paaralan, ngunit nagpatuloy at lumaki lamang ang kaniyang mga problema. Nakipaglaban siya sa katamaran at paglaktaw ng mga klase.Sa kalaunan, nagpasya siyang ilipat ang kaniyang major sa Computer Science, isang kursong minamaliit ng ilang tao, ngunit naniniwala siyang mahalaga ito at nararapat na igalang ang lahat ng nagtapos.



V. MGA REAKSYON AT MUNGKAHI 

     Ang librong "ABNKKBSNPLAko?!" ni Bob Ong ay tunay na mahusay na kaniyang inilahad, mayroong halong katatawanan, at nag-iwan din ng malalim na impresyon sa akin. Sapagkat mayroong maayos na istruktura at malinaw na naiintindihan. Dagdag din dyan ay mayroon ding pagkakasunod-sunod ang kuwento hindi lang basta mema ang gawa. Dahil sa karanasan ng may-akda sa paaralan noong siya ay mag-aaral pa lamang ay nagbalik-tanaw din ako sa mga naging karanasan ko sa pribadong paaralan noong elementarya. Bukod sa nakakatawang mga pangyayari, ang mga aral na natutuhan ko mula sa mga personal na karanasan ng may-akda ay nagbigay sa akin ng malalim na pag-unawa sa kahalagahan ng edukasyon.
 

    Gayunman, katulad ng sinabi ko na mayroong pagkakasunod-sunod ang kuwento, mayroon ding ilang bahagi akong napansin na nararapat mas mapalalim pa ang paglalarawan ng mga tauhan at tagpuan. Upang mas maunawaan at mas magkaroon ng malalim na koneksyon sa mga mambabasa na katulad ko. Bukod dito, dapat na pahalagahan din ang ating mga karanasan sa paaralan. Dahil mayroon pa ring mga aral na matututuhan at mga alaala na magbibigay ng saya, at gabay sa ating paglalakbay sa buhay.


TALAMBUHAY NA PAIBA

 

Ang Kuwento ni Maxine

    Maxine Rowie C. Galeon, isinilang noong Hulyo 26, 2008, sa siyudad ng Pasay. Siya ay isinilang ng kaniyang Ina na si Maria Dolores C. Cutamora sa kalagitnaan ng bagyo ngunit naipanganak siya nang ligtas at malusog. Kalaunan, walang kamalay-malay ang Ina ng kaniyang Tatay na si Rommel B. Galeon na mayroong anak na pala ang kaniyang nag-iisang lalaking anak. Dagdag pa rito, noong siya ay bata pa lamang, sila ng pamilya niya ay palipat-lipat ng tirahan. Hanggang sa pinatira na sila ng Ina ng kaniyang Tatay sa bahay nila roon sa siyudad ng Pasig. 



    Sa kabilang dako, si Maxine Rowie C. Galeon ay nakapagtapos ng elementarya sa pribadong paaralan na pinangalanang Morning Sun Academy. Noong siya ay na sa elementarya, noong siya ay nasa baitang 1, siya ay nakaranas ng pambubulas sa kadahilanang siya ay maraming ambisyon sa buhay. Ngunit, hindi iyon naging rason sa kaniya para sumuko na lamang at mawalan ng pag-asa. Ang pangyayaring iyon ay mas nabigyan siya ng lakas at motibasyon para tahakin ang kaniyang mga pangarap. Dagdag pa rito, noon palang ay kinahihiligan niya ng sumayaw kaya't siya ay sumali sa isang Dance Workshop upang mas mapahubog ang kaniyang talento sa pagsasayaw.

    Sa kabila ng lahat, sa buong buhay ng kaniyang elementarya, siya rin ay nakaramdam ng pagkaiwan sa kadahilanang siya ay inaayawan ng kaniyang mga kaklase na hindi man lang niya alam ang rason. Subalit mayroon pa rin siyang naging tunay na kaibigan na pinangalanang Jethro, at Jj. Kasama rin dito, sila rin ay palaging nandyan para sa kaniya mayroong problema man o wala, at sila ay kaibigan niya pa rin hanggang sila ay nasa "Senior High school" na. At saka, silang dalawa ay isa rin sa inspirasyon at motibasyon niya tungo sa kaniyang kinabukasan. 



 

ANAK

 


ANAK: KANTANG INILIKHA NI FREDDIE AGUILAR


    Para sa akin, ang kantang "Anak" ni Freddie Aguilar ay naglalarawan ng kuwento ng isang anak na mas pinipiling sundin ang kaniyang mga desisyon kaysa sa pakinggan ang mga payo ng kaniyang mga magulang na para rin sa ikabubuti niya o para rin sa kaniyang kinabukasan, at siya rin ay mayroong mga masasamang bisyo. Kaya't sa huli ay pinagsisihan ng anak ang mga nagawang mali at hindi pakikinig sa payo ng mga magulang kaya rin ito ay tumungo sa maling landas. Makikita rin sa liriko ng kanta na kung gaano rin kamahal at pinagsakripisyuhan ng magulang ang kanilang anak. Sa ibang dako, habang tumatanda ang anak unti-unting nagbago ang ugali na kung saan siya ay sumusuway sa mga payo ng kaniyang magulang at naging matigas ang ulo. 


    Sa kabilang banda, makikita rin na hinaharap ng anak ang kaniyang mga maling pasya at kaniyang mga hamon sa buhay. Dito natin makikita na hindi sa lahat ng oras ay laging akma ang pasya ng anak kaysa sa mga payo na ibinibigay ng kaniyang magulang sa kaniya, at pagdurusa na kaniyang nararamdaman dahil sa paglayo sa kaniyang pamilya. Nagpakita rin ng realisasyon ang anak na ang tunay na kaligayahan ay matatagpuan at magmumula lagi sa kaniyang magulang at sa mga taong nagmamahal sa kaniya. 


    Sa dakong huli, makikita na muling bumalik ang anak sa kaniyang pinaka mamahal na magulang. At saka, ang pagbabago ng kaniyang sarili para sa ikabubuti. Higit pa rito, maririnig at makikita rin sa liriko ng kanta na ang anak ay bumalik sa kaniyang magulang habang siya ay lumuluha rahil pinagsisihan niya ang mga mali gawain na nagawa niya sa kaniyang magulang. Muli ring humingi ng tawad ang anak sa mga kasalanang nagawa niya, nagpasalamat sa walang sawang pagmamahal at suporta ng kaniyang magulang. Sa dulong bahagi, makikita rin natin na walang hanggan ang pagmamahal ng magulang sa kanilang anak.